Isang tipikal na umaga

26 08 2008

ALAS  singko ng umaga nang magising ako kanina sa tulong ng ingay ng alarm clock. Naging masarap ang tulog ko, nawala na rin ang aking sipon sa magdamag at may kaunting kati na lang sa lalamunan na nagpipilit sa aking umubo. Pero hindi ako bumangon agad. Natulog ulit ako ng mga ilang minuto. Pagkagasing ng totoong gising, tumungo na ako sa banyo para maligo.
Ayos. Parang galing sa pridyider ang tubig. Nanliit tuloy si junjun ko. Kaya nga ba ayaw ko minsang maligo sa umaga.
Paglabas ng banyo, handa na ang almusal na luto ni Inday. Manok na binabad sa toyo at kung ano pa, tapos pinirito. Sarap. Solve ang agahan. Sabayan pa ng musikang nanggagaling sa radyo at mainit na kape. Ayos na.
Nagmadali na akong nagbihis at tuluyang nilisan ang bahay. Sa loob ng labinlimang minuto mula pagkakain, nasa kalye na ako at mabilis na naglalakad. Late na ako. Late na naman.
Nasa sakayan na ako ng shuttle nang banayad kong hinugot ang isandaang piso para magbayad. Sinimangutan ako ng kundoktor. Letse naman. Ilang araw na akong nagbabayad ng saktong barya para di sya mahirapang magsukli. Kung kelan naman ako mag-aabot ng buo e tsaka pa sya naubusan ng barya. Ang masaklap pa, yung mga naunang pasahero e nakapagbayad na rin ng tig-iisang daan. Wala na talagang barya. Maghihintay pa ako. Bakit hindi nya naisipang maghanda lagi ng barya sa umaga? Hellow. Shuttle service ‘tong sinakyan namin. Hindi ito jeepney o pedicab lang na barya talaga ang binabayad. Mahal ang pamasahe dito, limpak-limpak ang kinikita ng mga putanginang kolorum na sasakyan na ‘to. Bakit hindi sila makapaghanda ng barya para sa mga pasahero? Ang laki na nga ng kinikita nila, wala na silang binabayarang linya, tapos di pa sila makapaglabas ng barya. At bakit nung mga nakaraang araw e marami silang panukli? Ngayong magbabayad ako ng isandaang buo, tsaka pa nawalan. Ngayon lang naman ‘to. Asan ang katarungan dito? Asan?
May dumating pang ibang pasahero, may nag-abot ng tig-isang libo. Mga bwakanangina. Ginawa ng money changer ‘tong shuttle. Lalong kumunot ang noo ni manong konduktor. Nang makalipon na ng tamang panukli sa akin, padabog nyang inabot sa akin ang sukli. Tanginamo. Pabulong kong sinabi sa kanya. Sabay ngiti na parang nang-aasar.
Saglit lang ang byahe ng van na sinasakyan ko. Mula sa amin hanggang Alabang, inaabot lang ng kinse minutos ang tagal. Bawas na ang trapik doon. Pinawi ng rnb music na pinapatugtog sa component ng sasakyan ang pagkaasar ko sa konduktor. ‘It’s getting hot in here’ ni Nelly ang sumasaliw ngayon sa ere. Bagay na bagay sa loob na naka-todo ang aircon. Sabayan pa ng matandang babaeng katabi ko na naka-mini skirt. Hotness.
Dumaan kami sa isang sikat na mall sa Alabang. Dito ko nakita ang mga dati kong katrabaho. Naghihintay ng kanilang service. Isang taon na rin ang nakalipas nung pumasok ako sa eskwelahan nila. Wala pa ring pinagbago sa sistema. Saktong oras pa rin nadating ang L300 na service nila. Pipila ang mga guro at maghihintay ng sasakyan. Kilala ko ang karamihan sa kanila. Mga schoolmates ko rin nung college. Pero hindi ko sila naging kaibigan. Tatlong buwan ko lang silang nakasama sa paaralan na ‘yun. Kung ano at paano ang dahilan kung bakit ako umalis/napaalis sa institusyon na yun e tsaka ko na lang iku-kwento. Mga dahilan kung bakit nais kong magpakita sa kanila at sabihing masaya na ako sa trabaho ko ngayon. O magkunwaring masaya talaga ako.
Sumabay ako sa daloy ng mga nag-uunahang pasahero pagkabababa ko ng van patungo sa sakayan ng bus. Hindi ko alam, pero may kakaibang katamaran akong naramdaman ngayong umaga kaya naisipan kong magpahatid hanggang Makati lulan ng aircon bus. Nasa harap ko lang kasi ang Roval na madalas kong sinasakyan pero tayuan na rin kaya minabuti kong sumakay na lamang sa aircon bus. Mas mataas na lamang ng anim na piso ang pamasahe dito kesa sa mga ordinary bus. Pagkapasok, naupo ako sa pinakadulo sa tabi ng bintana, sa animan na madalas kong upuan. May katabi akong magandang babae pero medyo may edad na, sa hula ko siguro mga nasa late 30s na ang babaeng yun. Medyo sumandal ang siko nya sa bewang ko. Nakiliti ako sabay iwas nang kaunti. Napakalakas ng dagundong ng sound system na pinaptugtog ngayon ni manong drayber. Hindi pala radyo o CD. Kundi isang music video ng paborito nyang banda. New wave rock en roll pare. Astig. Ang lakas ng trip ni manong. Dolby surround pa yata ang gamit nyang system. Kasi kahit nasa likod na ako e dinig ko pa rin yung talsik ng laway nung bokalista. Kahapon, sumakit na yung kaliwang tenga ko sa kakapakinig sa opis kaya iniwan ko na lang yung cd man ko. Naisip kong gusto ko muna ng tahimik at mapayapang byahe para makapag-isip-isip pero sa ingay ng bus na yun, gusto nang kumawala ng mga tutuli ko sa tenga at dumikit sa ilong ni manong drayber. Tiningnan ko yung ibang mga pasahero, yung iba tinulog na lang at nagwalang-kibo. Yung iba namang may mga alam ng kanta e sumabay pa. Ako naman pilit kong hinuhuli ang tingin ni manong drayber sa salamin na nasa harap nya. Baka sakaling magbangga ang mga mata namin at tsaka ko siya hahamunin ng suntukan. One on one. Una akong susuntok. Pero nung nagkatinginan na kami, wala akong nagawa kundi sumimangot. Kamukha nya si Manny Pacquiao. Pramis. Mapapatunayan nyong totoo ang sinasabi ko pag nakasakay kayo sa bus nya. Sa buong byahe, panay ang silip ni manong drayber sa TV. Halatang nanonood. Sumasabay pa sya sa kanta habang patingin-tingin sa pasahero. Siguro, sinasaulo ni manong ang mga kanta para pag nasa harap na sya ng videoke e swabe ang kanyang performance. Hindi ko alam. Pagkasingil ni manong konduktor sa katabi kong babae, naka-ilang ulit sumigaw ang pasahero para lang magkaintindihan sila kung saan sya bababa. Sa hinuha ko, bingi na rin si manong konduktor dahil sa madalas na pagpapatugtog ng kasama nyang drayber.
Bumaba na ako sa Ayala habang tumutugtog ang Blaze of Glory ni Bon Jovi. Napakanta ako saglit. Coolness. Nakarating naman ako nang matiwasay sa opisina. Late nga lang. Pagkaupo ko sa station ko, nakita ko agad ang billing statement ng aking credit card. Napamura ako sa laki ng minimum amount due ko. Pakingsanambits. May bayad pala yung hindi pagbayad sa due date. Puke-ng-ina. Wala lang, gusto ko lang ulit magmura. Wala naman yatang patutunguhan ‘tong entry na ‘to. Gusto ko lang ilahad ang isang tipikal na umaga sa buhay ko. At isipin kung bakit talaga malakas ang sound trip ni manong drayber kanina. Siguro, para talaga sa videoke. Hindi ko alam.


Mga Tugon

Kaalaman

4 sumagot

26 08 2008
apollo

pre dapat tinanong mo ung konduktor: brod asan ang mic nyo? lols!
ewan ko pero akala ko sa babaeng nakatabi mo mapupunta ang kuwento. nagkamali ako. tsk…

26 08 2008
Jeck

hahaha. di naman puro babae lang nasa isip ko no. pre-occupied lang ako ngayon. tsaka na yang mga babae na yan. lols

26 08 2008
lyzius

wala akong masabi…

para lang maramdaman mo na andito ako…

ayan magpaparamdam na ako!

jehhccckkkkkkk! awoooooooooOO!

26 08 2008
lyingwithclotheson

waw! may credit card ka pala!! anak mayaman! wuhooo!!

Mag-iwan ng puna